SINONG JESUS?
(Which Jesus?)
"…ngunit ako’y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan kay Cristo. Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang jesus na hindi naming ipinangaral, o kung kayo’y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo kaagad na napapasakop doon." 2 Corinto 11:3, 4
Si Apostol Pablo ay nagsalita tungkol sa mga lumilitaw na nangangaral ng ibang jesus; sa mga tumatanggap ng ibang espiritu at tumatangkilik ng ibang ebanghelyo. Ang tanong na imumungkahi namin sa inyo, mga mambabasa ay: "Aling espiritu ang tinatangkilik mo, aling ebanghelyo ang tinanggap mo at SINONG HESUS ANG PINANINIWALAAN MO? Mag-ingat ka sapagkat maraming huwad na jesus ang kumakalat ngayon!
ANG 'JESUS' NA KAPATID NG DYABLO:
Ang jesus na ito ay hindi ang ikalawang Persona ng ‘Trinity’, at wala naman daw talagang ‘Trinity’ ayon sa doktrina ng mga naniniwala dito. Ang jesus na ito ay isa lamang "pre-existent spirit" at espiritung-kapatid ng Dyablo at kasal kina Maria at Martha! Si Brigham Young, ang kahalili ng nagtatag ng relihiyong ito na si Joseph Smith, ay nagpahayag na ang sakripisyo sa krus ng jesus na ito ay walang bisa para sa paglilinis ng ibang kasalanan. Ang tao mismo ang magbabayad ng kasalanang iyon na hindi kayang bayaran ng dugo ng jesus nila. (Ito ang jesus ng ‘Mormonism’) Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
ANG 'JESUS' NA MALIIT NA DIYOS:
Ayon sa mga naniniwala sa jesus na ito siya ay hindi tunay na Diyos kundi isang maliit na diyos lamang. Siya ay isa lamang anak ng diyos ngunit hindi siya mismong Diyos. Ang jesus na ito ay muling nabuhay na dakilang nilalang na espiritu at ang kanyang kapanganakan sa mundo ay hindi pagkakatawang tao ayon sa doktrina ng mga naniniwala dito. Ang jesus nila ay hindi na muling magbabalik sapagkat siya’y narito na sa mundo hindi nga lamang nakikita. Ang jesus na ito… ‘ay nagtanggal ng epekto ng kasalanan ni Adan sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo sa kalbaryo, subalit magkakaroon lamang ng kumpletong bisa kapag ang mga nakaligtas sa ‘Armageddon’ ay manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling kapasyahan (free will) at magpasakop sa pamamahala ng kalooban ni Jehovah’ [The Kingdom of the Cults, p.99] (Ito ang jesus ng Jehovah’s Witnesses’). Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
ANG 'JESUS' NA NAGDUSA SA IMPIYERNO:
Ang jesus na ito ay hindi nagbayad ng kasalanan ng tao sa krus. Ang kanyang pisikal na kamatayan lamang ay walang natupad. Ang jesus na ito ay kinakailangan pang pumunta sa impiyerno at dumanas ng nakapanghihilakbot na pagdurusa at pahirapan ng Dyablo at ng mga demonyo upang kumpletohin ang pagbabayad. Ang jesus na ito ay kinakailangang mamatay ng espirituwal. Ang kamatayan ng jesus na ito ay hindi nagbayad ng kasalanan ng tao sa krus kundi sa impiyerno. Ang kamatayan sa krus ng jesus na ito ay hindi ganap na pantubos kundi isang panimula lamang ng pagtutubos at nakumpleto sa kanyang paghihirap sa impiyerno.[K. Copeland, ‘Believer’s Voice of Victory’, April 1982, p.10]. (Ito ang jesus ng ‘Faith Movement’) Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
ANG 'JESUS' NA ALIPIN NG KAUTUSAN:
Ang jesus na ito ay may pagkakahawig sa totoong jesus, subalit ang pagkakahawig ay hindi nangangahulugang sila ay magkapareho. Ayon sa kanilang propetang babae na si Ellen G. White, ‘Ang dugo ng Panginoong Jesu-Cristo, bagaman ito ay magpapalaya sa nagsisising makasalanan mula sa hatol ng kautusan, ay hindi nag-aalis ng kasalanan…ito (dugo) ay mananatili sa santuwaryo hanggang sa maganap ang huling pagbabayad-sala’ [E.G. White, Patriachs and Prophets’, p.357]. Ang jesus na ito ay … ‘nagbigay ng kanyang buhay upang ang tao ay magkaroon ng isa pang pagkakataon sa panibagong paglilitis. Hindi siya namatay sa krus upang pawalang-bisa ang kautusan ng Diyos kundi siguruhin para sa tao ang ikalawang pagkakataon’ [E.G. White, ‘Testimonies & Minsters,’ 1953, p.134]. (Ito ang jesus ng ‘Seventh-Day Adventism’). Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
ANG 'JESUS' NA WALANG NAGAWA:
Ang jesus na ito ay hindi nagbayad para sa kasalanan ng tao sa krus ng Kalbaryo. Ang nagtatag ng relihiyong ito, si Mary Baker Eddy, ay mariin at buong paglapastangang nagsabi na ‘ang material na dugo ni jesus ay hindi mas mabisang panlinis ng kasalanan ng itong mabuhos sa ‘sinumpang punongkahoy’ kaysa ng ito’y dumaloy sa kanyang mga ugat…’ [Science and Health, p.25]. Ang jesus na ito ay naipanganak ng birheng Maria bunga ng kanyang espirituwal na kaisipan tungkol sa buhay at kapahayagan. Ang ‘nag-iisang handog’ ng jesus na ito, ‘gaano man kadakila, ay hindi sapat upang pambayad sa kasalanan’ [Science and Health, p.23]. (Ito ang jesus ng ‘Christian Science’). Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapaglistas.
ANG 'JESUS' NA HANGGANG NGAYON AY NAKA-PAKO:
Ayon sa mga nagtuturo ng jesus na ito ang kanyang kamatayan sa krus ay hindi sapat na pambayad para sa kasalanan ng lahat ng kanyang tinubos. Ang jesus na ito ay namatay upang tubusin ang lahat ng tao sa kasalanan ngunit ang kanyang kamatayan ay hindi pa sapat upang maging lubos na pambayad para sa lahat ng kasalanan, kaya kailangang ang tao ay maghirap sa kaparusahan sa ‘Purgatoryo’ upang sila ay lubusang luminis sa kasalanan, at nang sa ganun, maging dalisay at karapat-dapat na pumasok sa kalangitan. Ang jesus na ito ay nakikita sa mga altar ng kanilang simbahan bilang ‘tinapay at alak’ at patuloy na inihahain sa Diyos bilang handog para sa mga kasalanan ng tao. (Ito ang jesus ng ‘Roman Catholicism’). Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
ANG 'JESUS' NA ALIPIN NG "FREE-WILL" NG TAO:
Ang jesus na ito ang pinaka-kilala at mas sinasamba kaysa sa lahat ng huwad na cristo. Ang jesus na ito ay isa ring bulaang cristo na namatay, hindi para lamang sa mga hinirang ng Diyos, kundi para sa lahat ng taong naipanganak. Ang kanyang kamatayan ay hindi upang siguraduhin ang kaligtasan ng sinuman kundi upang ang kaligtasan ay gawing posible lamang para sa bawat isa, nakadepende sa kanilang pag-pili sa kanya ayon sa kanilang ‘free-will’. Ang jesus na ito ay hindi tunay na tagapagligtas ng kanyang mga hinirang kundi posibleng tagapagligtas lamang ng bawat isa, kaya ang desisyon pa rin ng tao para sa Diyos ayon sa kanyang ‘free-will’ ang sa katapusan ang magde-desisyon ng kanyang kaligatasan. Hindi si Cristo at ang kanyang ginawa ang siyang gumagawa ng kaibahan sa mga naligtas at napahamak kundi ang ‘free-will’ ng tao. Ang kamatayan sa krus ng jesus na ito ay walang bisa sa sinumang inalayan niya ng buhay hangga’t tanggapin ng tao ang ginawa niya, sa ganun lamang nagiging tunay at mabisa ang ginawa ng jesus na ito. (Ito ang jesus ng ‘Arminianism’) Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
ANG TOTOO AT TUNAY NA JESUS:
Mayroon lamang iisa at totoong Jesus, ang JESUS NG BIBLIA: Siyang pinatotohanan ng Diyos, Siyang namatay, inilibing at muling nabuhay "ayon sa mga Kasulatan" (1 Cor. 15:1-4). Mayroon lamang isang Tagapagligtas na kinikilala ng Diyos, iyon ay ang Kanyang Anak at tanging ang Kanyang Anak lamang ang nagliligtas: Siya ang Jesus na hindi lamang Anak ng Diyos kundi Siya ay mismong Diyos. Ang Tunay na Jesus ay ang ikalawang Persona ng ‘Trinity’ (1 John 5:6,7) hindi gaya ng jesus na kapatid ng Diablo (turo ng Mormonism). Ang muling nabuhay na katawan ng totoong Jesus ay binubuo ng "laman at mga buto" (Luke 24:39). Ang totoong Jesus ay hindi kasalukuyang sikretong nasa mundo sapagkat ang kanyang muling pagdating ay makikita ng lahat (Acts 1:9-11 at Luke.17), hindi gaya ng jesus na maliit na diyos. (turo ng JW). Ang totoong Jesus ay nakaupo sa kanang luklukan ng Ama at hindi napakikita bilang tinapay at alak sa pagkaway at pagtawag ng mga pari sa kanilang mga altar. (turo ng RC). Wala saan man sa kasulatan na ipinakikita ang paghihirap ng totoong Jesus ay nagpatuloy sa impiyerno para sa katubusan ng tao. (turo ng Faith Movement). Ang totoong Jesus ay namatay sa Krus ng Kalbaryo at ang kanyang nabuhos na dugo (ang Kanyang Kamatayan), ay ganap na mabisa at talagang nagbayad sa lahat ng mga kasalanan ng Kanyang hinirang. Ang kanyang kamatayan, ‘ay minsanan at magpakailanmang’ sakripisyo (‘substitutionary sacrifice’) kahalili ng Kanyang hinirang at hindi na kailangang ulitin at dagdagan pa ng gawa ng tao upang maging mabisa. Ang kanyang kamatayan ay sapat na pantubos sa bawat kasalanan - sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap-ng lahat ng taong ibinigay ng Diyos sa Kanya.
Ang mga jesus na itinataas ng mga bulaang ebanghelyo ng relihiyon ay nabigong magbayad ng kasalanan sa kanilang ‘ kamatayan’ sa krus. Ang pagbayad ng totoong Jesus para sa Kanyang hinirang ay lubos na mabisa para sa katubusan ng bawat-isang pinag-buhusan niya ng Dugo "…na pinawi ang sulat kamay na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at itoy kanyang inalis at ipinako sa krus." (Col. 2;14, tignan din ang Heb.9:13-14); "… Subalit ngayon minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang Sarili" (Heb.9:26); "…tayo’y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng kamatayan ni Cristo minsan at magpakailanman" (Heb.10:10); "Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal magpakailanman ang mga pinababanal" (Heb.10:14); "…sa kanya (Jesus) na umiibig sa atin, at nagpapalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo." (Apocalipsis 1:5). Ang lahat ng Kasulatang ito’y nagpapatotoo sa katotohanan ng pagiging sapat at sa kakayahan ng minsanan at magpakailanmang sakripisyo ni Jesus sa krus para sa kanyang mga ‘tupa’.
Ang iba’t- ibang ebanghelyong ipinangangaral ng mga bulaang relihiyon ay hindi talaga ang tunay na ebanghelyo, kung kaya, ang iba’t-ibang jesus nila ay hindi talaga ang tunay na jesus, at hindi tunay na tagapagligtas! Napakahalaga na tayo ay manampalataya sa tunay na Jesus. Ang totoo, buhay at kamatayan ang nakasalalay dito. Ang jesus na meron ka ang tumutukoy kung anong doktrina ang pinaniniwalaan mo. Bilyon-bilyon ang bilang ng mga tao sa mundo subalit meron lamang iisang ikaw at iisang ako, kaya meron ding IISANG DIYOS at IISANG PANGINOONG JESU-CRISTO. Mayroon lamang IISANG TAGAPAGLIGTAS at sinumang hindi nananatili sa Kanyang aral, at sinumang hindi naniniwala sa natatanging Ebanghelyo na nagpapahayag ng kabanalan at kamatayan ni Cristo, na kung wala ito’y walang maliligtas, SAMAKATWID siya ay walang Diyos at walang pag-asa: "Sinumang lumalampas o hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay walang Diyos…" (2 John 9); "Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang Ebanghelyo ni Cristo: sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan ng sinumang sumasampalataya… sapagkat sa Ebanghelyong ito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag…" (Rom. 1:16, 17).
Isipin mo ang isang silid na puno ng iba’t-ibang mga jesus. Sa itaas ng kanilang mga ulo ay nakasulat: ‘Ang jesus na kapatid ng dyablo’; ‘Ang jesus na nagdusa sa impiyerno’; ‘Ang jesus ng hanggang ngayon ay nakapako’; ‘Ang jesus na alipin ng ‘free-will’ ng tao’; ‘Ang jesus na alipin ng Kautusan’; ‘Ang jesus na tao lamang’; etc. Ang mga katangian, kasaysayan, at ginawang pagtutubos ng jesus na sinusunod mo ay dapat naaayon sa Jesus ng Biblia, sapagkat kung hindi, tumanggap ka ng bulaang jesus (1 Cor.15:1-4). Bakit napakamapanganib ang magkamali ka iyong paniniwala sa kung sino ang tagapagligtas at ano ang kanyang ginawa? Hindi ba ang kaunting lebadura ang nagpapa-alsa sa buong masa? Sapagkat ikaw ay mapapahamak kung mali ka dito! Kung ikaw ay hindi nanghahawakan sa katotohanan tungkol kay Jesus, papaanong sasabihing nasa iyo ang tunay na Jesus? Ang katuruang tumutukoy at nagpapakilala sa jesus na iyong pinaniniwalaan ay dapat na umaayon sa Banal na Kasulatan, dahil kung hindi maaring ikaw ay naturuan at sumusunod sa isa sa maraming huwad na jesus na hindi nakapagliligtas. Ang tunay na Jesus ay siyang namatay sa krus, at ang kanyang kamatayan lamang ay sapat na sapat na nagtubos sa kasalanan ng bawat-isang pinag-alayan niya ng buhay. Tanging ang Jesus na ito lamang ang tunay na Tagapagligtas; tanging ang Jesus na ito ang nagkakaloob ng kaligtasan para sa Kanyang hinirang, ‘silang mga pinili ng Diyos at ibingay sa Kanyang Anak bago pa nilikha ang sanlibutan.’ (Efeso 1:4; Juan 17:2,3). Kung ang pinaniniwalaan mo ay ibang jesus, gaaano man siya kahawig ng totoong Jesus, ikaw ay tumanggap pa rin ng bulaan at mala-satanas na huwad na jesus na magdadala sa iyo sa walang hanggang kaparusahan sa impiyerno. Subalit ang sumasampalataya sa tunay na Jesus ng tunay na Ebanghelyo ay maliligtas (Marcos 16:16).