top of page

Ang Mabuting Balita ng Diyos

 

(God’s Good News)

 

 

KALIGTASAN! Kaligtasan saan? Ano bang kaligtasan ito? Paano ba ang isang tao ay maligtas? Kailangan ba talagang maligtas? Ang mga katanungang ito ay bihirang-bihira na masagot ng naaayon sa Salita ng Diyos (Banal na Kasulatan o Biblia)

 

Karamihan sa mga tao ay ganito ang sinasabi kapag relihiyon na ang pinag-uusapan: "Naniniwala ako na ang relihiyon ay "ok" sa iba ngunit sa akin ay hindi ko iyan kailangan. Wala naman akong nakikitang mali sa aking buhay. Naghahanap-buhay naman ako ng maayos. Hindi ko naman pinababayaan ang aking pamilya. Hindi ko naman sinasabi na ako’y perpekto ngunit hindi naman ako mamamatay-tao. Nagbibigay ako sa kawanggawa at ginagawa ko naman ang lahat upang matulungan ang mga taong lumalapit sa akin. Kuntento at masaya naman ako sa aking buhay at sa palagay ko naman ay hindi ako pahuhuli kahit na sa pinakamabait na tao. Subalit ang Relihiyon, sa halip na makapagdulot ng kaligtasan ay lalong nagpapabigat sa isang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa napakaraming tungkulin at seremonyas at mahigpit na mga kautusan na dapat sundin upang sa wari nila’y maging kalugodlugod sa Diyos. Ang relihiyon ay nagpapatong ng mabibigat na pasanin sa mga tao upang baguhin at maging mabuti ang kanilang buhay upang sa balang araw ay sila ay maging karapat-dapat sa Diyos. Subalit kahit sino ay kayang baguhin ang kanyang pamumuhay at maturing na may ‘bagong buhay’ maging siya man ay kasapi o hindi ng isang relihiyon. Ang tunay na Kristiyanong Pananampalataya ay hindi relihiyon, ni hindi rin isang uri ng pamumuhay. Ang Tunay na Kristiyanismo ay tungkol sa isang mensahe - MENSAHE ng Diyos: Ang ‘Mabuting Balita’ o ‘Ebanghelyo’ (God’s Only Gospel). Ang Ebanghelyo ay napapahayag ng tunay na kalagayan ng tao at pamamaraan ng Diyos sa pagliligtas. Ipapaliwanag ng babasahing ito kung ano ang kaligtasan, saan dapat maligtas, paano ang isang tao ay maliligtas at bakit mahalaga ang kaligtasan - bakit kailangan mong maligtas. Sa madaling salita, ang buod ng mababasa rito ay ang Ebanghelyo ng Diyos: Mabuting Balita ng Diyos.

 

Ang Kaligtasan ay pagpapalaya o pagtutubos. Nangangahulugan ito ng pagliligtas o pagsagip mula sa mapanganib na kalagayan tungo sa ligtas na kalagayan. Nangangahulugan din ito ng pananatili sa ligtas na kalagayan. Ang Kaligtasan ay pagliligtas o pagsagip ng Diyos sa mga makasalan mula sa walang hanggang kaparusahan tungo sa walang hanggang kaligtasan at katiyakan.

 

 

Upang makita kung bakit ang Kaligtasan ay mahalaga, dapat maunawaan muna ang sinasabi ng Diyos sa tunay na kalagayan ng mga tao. Sa ‘aklat ng Genesis’ ay makikita ang pangyayari tungkol kina Adan at Eva. Nilikha ng Diyos sina Adan at Eva na ‘perpekto’ at walang bahid ng kasalanan. Inilagay sila upang mabuhay ng matiwasay sa napakagandang halamanan sagana sa mga punongkahoy na may makakatas na bunga. Ang kanilang buhay ay punong-puno ng pagmamahalan, kaligayahan, kasiyahan at pakikipagkasundo sa Diyos Sinabi ng Diyos sa kanila na maari nilang kaiinin ang mga bunga ng alinmang punongkahoy sa halamanan, "maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakaiinin ang bungang iyon; mamamatay ka kapag kumain ka niyon." (Genesis 2:17). Ang kamatayan na hindi pa nararanasan noon ay papasok sa kanilang buhay-hindi lamang kamatayang pisikal kasama rin ang kamatayang espirituwal. Kumain nga sina Adan at Eva ng ipinagbabawal na bunga at pumasok nga ang kamatayan sa kanilang buhay noong araw din yaon, ayon sa babala ng Diyos. Ang katawan nila ay hindi kaagad-agad namatay ngunit nagsimula ng araw na yon din ang unti-unting pagtanda, pagkabulok at panghihina ng katawan patungo sa kamatayan. Gayón pa man, kaagad-agad nilang naranasan ang espirituwal na kamatayan. Hindi na sila katanggap-tanggap sa Diyos sapagkat sila ay naging makasalanan at marumi sa paningin ng Diyos. Ang kamatayang ito, pisikal at espirituwal, ay nasalin sa lahat tao mula noon: "Ang kasalana’y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa LAHAT ng tao…" (Roma 5:12). Nangyari ito sapagkat si Adan na unang tao ay ginawa ng Diyos na kumakatawan sa lahat ng sangkatauhan. Bilang kinatawan ng sangkatauhan, ang kasalanan ni Adan ay ibinilang sa kanyang lahi, sa buong sangkatauhan. "…sa pagsuway ng isang tao ay marami (ang kanyang kinatawan) ang naging makasalanan…" (Roma 5:19). Ang katotohanang ikaw at ako ay nagkakasala ay matibay na pagpapatunay na tayo ay makasalanan at nagpapahayag na tayo ay nagbuhat sa makasalanang binhi na nagsimula kay Adan. Kung paano ang binhi ng damo ay magbubunga lamang ng damo, gayon din, ang makasalanang binhi ay magbubunga lamang ng mga makasalanan.

 

Maraming tao ang aaminin na hindi sila perpekto ngunit ang tingin nila sa sarili ay hindi naman talamak na makasalanan. Ganito ang kanilang naisasaloob, â€˜Alam kong hindi ako perpekto ngunit hindi naman ako kasamaang tao, hindi naman ako kasing sama katulad ng iba.’ Lagi nilang inihahambing ang kanilang sarili sa ibang tao, gamit ang makasariling batayan, kaya ang turing nila sa sarili ay likas na mabubuti Subalit ang katotohanan, tayong lahat ay nagkasala laban sa Diyos: "Sapagkat ang LAHAT ay nagkasala at walang sinumang karapatdapat sa paningin ng Diyos" (Roma 3:23). Hindi umabot ang tao sa pamantayan ng Diyos at kung kabutihan ang pag-uusapan ni wala ang tao sa listahan ng Diyos! Halos lahat ay nag-aakala na kung gagawin lang nila ang pinakamabuti ay matatanggap sila ng Diyos, ngunit makagagawa nga kaya sila ng mabuti? Sinabi ng Diyos "…ang pinakamabuting kalagayan ng tao ay walangkabuluhan" (Awit 39:5 kjv-tinagalog). Ang pinakamabuting nagagawa ng tao upang maging karapatdapat sa Diyos ay di pa rin maka-abot sa mataas na pamantayan ng Diyos "…kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi, at ang lahat ng aming kabutihan ay naging tulad ng maruming basahan.." (Isaias 64:6) Sa kabila ng kanyang masigasig na pagsusumikap sa paggawa ng mabuti, ay sinabi ng Diyos "…WALANG matuwid, wala kahit isa; WALANG nakauunawa, WALANG humahanap sa Diyos. Ang LAHAT ay lumihis ng landas at nagpakasamâ; WALANG gumagawa ng mabuti, WALA KAHIT ISA." (Roma 3:10-12). Ito talaga ang nakalulunos na kalagayan, di ba?

 

 

Ang pamantayan na dapat panukat ng ating mga sarili ay ang pamantayan na itinakda ng Diyos: Walang kamalian (Perfection) - at kung tayo ay tapat sa sarili, aaminin natin na tayo ay hindi perpekto. Ang sabi ng Panginoon Jesus: "…Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang ito nakasalalay ang buong Kautusan…" (Mateo 22:37-40). Wala kahit isa, kahit na ang pinakarelihiyosong tao, ang mangangahas na magsabi na perpekto ang pag-ibig niya sa Diyos at sa kanyang kapwa. Kaya nga nauunawaan natin, na tayo ay nagkasala ng hindi lamang na mga ‘maliliit na kasalanan’, kundi tayo ay nagkasala ng mga ‘pinakamalalaking kasalanan.’ Ang ideyang ‘maliliit na kasalanan’ ay maling kuro-kuro, sapagkat ang hindi pagsunod kahit sa isang utos ng Diyos ay paglabag sa buong Kautusan: "Ang tumutupad sa buong Kautusan ngunit lumabag sa isa ay lumabag sa lahat" (Santiago 2:10) at maliwanag na ipihayag ng Diyos sa atin ang kaparusahan sa kasalanan: "Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan…" (Roma 6:23).

 

Magagalit ang lipunan kung ang isang hukom ay magpapataw lamang ng magaang na parusa sa isang pusakal na kriminal. Ang hukom na gumagawa nito ay pinipilipit ang katarungan, siya ay hindi makatarungang Hukom. Kung ang isang tao’y nakagawa ng isang karumaldumal na krimen, kailangan niyang pagdusaan ang karampatang kaparusahan sa krimeng kanyang nagawa. Bagama’t totoo na ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig at habag, mahalagang malaman din na siya ay makatarungang Diyos, makatarungang Hukom. Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili na: "…Panginoon, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin at sagana sa pag-ibig at katapatan, na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo, nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay HINDI ITUTURING NA WALANG SALA ANG MAY SALA…" (Exodo 34:6,7) at "…walang Diyos liban sa akin, isang matuwid (makatarungan) at Tagapagligtas…" (Isaias 45:21). Upang ang Diyos ay makapagligtas ng makasalanan na hindi nalalabag ang Kanyang katarungan, ang Kautusan ay dapat na perpektong masunod at ang Kanyang katarungan na humihingi ng buong kabayaran ng kasalanan, ay magkaroon ng kaganapan.

 

 

Sinugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak, ang Panginoong Jesu-Cristo, sa sanlibutan. Ipinaglihi Siya sa sinapupunan ng isang birhen sa pamamagitan ng Diyos Espiritu Santo at sa makatuwid wala sa Kanya ang binhi ng kasalanan. Hindi Siya nagmula kay Adan kaya nga wala siyang bahid ng kasalanan at buong-buo na katanggap-tanggap sa Diyos. Kung si Adan ay may kinatawan gayon din naman ang Panginoon Jesu-Cristo. Kung si Adan ay kumatawan sa lahat ng sangkatauhan, ang Panginoon Jesus naman ay kumakatawan sa lahat ng ibinigay ng Diyos Ama sa Kanya-ang mga piniling ililigtas ng Diyos-sa pamamagitan ng pananalig sa Kanyang Ebanghelyo: "…sa simula pa’y hinirang na kayo ng Diyos para maligtas. Ito’y sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritung nagpapabanal sa inyo at sa pananalig sa katotohanan. Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyong ipinangaral namin…" (2Tesalonica 2:13 npv); "…sapagkat pinagkalooban mo (Ama) siya (Anak) ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo (Ama) sa kanya (Anak)" (Juan 17:3). Ang paghihirang ng Diyos sa kaligtasan ay hindi nila nakamit dahil sila ay karapatdapat, at hindi rin ito gantimpala sa kanilang mga pagsisikap, ngunit ito ay sa pamamagitan LAMANG ng Kanyang sariling pasya: "…sa kapangyarihan ng Diyos, na nagligtas sa atin at tumawag sa atin sa banal na pamumuhay-HINDI DAHIL SA ANUMANG NAGAWA NATIN kundi dahil sa kanyang kalooban at biyaya. Ang biyayang ito’y ipinagkaloob sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang panahon." (2Timoteo 1:9 npv); "…hinirang niya tayo sa kanya bago pa nilalang ang sanlibutan … tayo’y kanyang itinalaga sa pagkukupkop bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban." (Efeso 1:4,5 npv). Ang pananampalataya, katulad ng iba pang bagay na may kinalalaman sa kaligtasan ay kaloob ng Diyos, hindi ito nagmula sa ating sarili: "Sapagkat sa biyaya (kagandahang-loob ng Diyos) kayo naligtas, sa pamamagitan ng pananampalataya at ito’y hindi mula sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang magmapuri." (Efeso 2:8-9 npv), ang pananampalatayang ito ay PALAGING mananalig sa TANGING EBANGHELYO, at hindi kailanman sa isang huwad na ebanghelyo (tignan uli ang 1 Tesalonica 2:13,14).

 

Si Cristo Jesus ang Kahalili (Substitute) ng lahat ng pinili ng Diyos na maligtas. Bilang kanilang Kahilili, nasunod Niya ng buong-buo ang Kautusan ng Diyos na wala man kahit isa sa kanila ang makatutupad, nang gayon, tinupad ni Jesus ang Batas para sa kanila upang sila’y maging matuwid sa harap ng Diyos: "…sa pamamagitan ng pagsunod ng ISA (Jesus) ang marami (Kanyang mga Kinatawan) ay ibibilang na matuwid" (Roma 5:19). Bilang kanilang Kahalili, si Jesus ay namatay at nabuhay muli, nang sa gayon nabayaran ng buo ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan: "Ibinigay Siya (Jesus)upang mamatay para sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para sa pagpapawalang-sala sa atin" (Roma 4:25). Pinawalang-bisa ni Jesus ang "ang nasusulat na kautusan, pati mga tuntunin nito pawing laban sa atin (Kanyang mga Kinatawan)…inalis niya ito ng kanyang ipako sa krus." (Colosas 2:14). Itinuturo ng Salita ng Diyos na ang lahat ng mga kasalanan ng kanyang hinirang ay ibinilang sa Kanya at ang Kanya naman Kabanalan o pagiging matuwid ay ibinilang sa kanila. "Siya na walang kasalanan ay itinuring ng Diyos bilang makasalanan upang sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa sa kanya ay maging matuwid(banal) tayo sa harap niya." (2 Corinto 5:21). Ang pagbibilang ng kabanalan ni Cristo sa kanyang hinirang ay tanging paraan lamang ng Diyos upang Siya ay manatiling matuwid at mapawalang-sala ang mga makasalanan: "Ginawa niya ‘yon upang ipakita sa kasalukuyang panahon ang kanyang katarungan, na siya ay matuwid at nagpapawalang sala sa taong may pananampalataya kay Jesus." (Roma 3:26).

 

 

Ang paniniwalang bagama’t maraming daan (mga relihiyon) lahat naman ay patungo sa iisang Diyos, ay isang malaking kasinungalingan na patuloy na nakapanlilinlang ng marami. Hindi lamang nagkakaiba sila ng paniniwala tungkol sa Diyos at kaligtasan kundi kadalasan ay magkakasalungat pa sila ng paniniwala. Kung paanong maraming maling sagot ang maibibigay sa 2+2, iisa lamang ang tamang sagot. Gayon din naman, maraming huwad na diyos at maraming huwad na cristo sa ngalan ng relihiyon, ngunit mayroon lamang IISANG TUNAY NA DIYOS at IISANG TUNAY NA CRISTO. Kung ano ang paniniwala mo tungkol sa Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo ay magpapakita kung ikaw ay naniniwala sa Tunay o sa isa sa maraming huwad na hindi nakapagliligtas. Nagbabala ang Diyos na marami "…ang dumadalangin sa mga diyos na HINDI makapagliligtas" (Isaias 45:20). IISA LAMANG ang daan papunta sa Diyos: "Sinabi ni Jesus, ‘Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’" (Juan 14:6). Ang mga relihiyon pati na ang itinuturing na ‘cristiano" ay nagtuturo na alam nila kung ano ang dapat gawin ng tao upang maging karapatdapat sa Diyos. Ngunit ang masasabi natin ngayon din ay ang kanilang mga itinuturo tungkol sa kaligtasan ay pawang kamalian, sapagkat itinuturo nila na dapat may gawin ang tao upang maligtas o manatiling ligtas. Ito ang palatandaan ng isang palsipikadong ebanghelyo. Ang salitang ‘relihiyon’ ay hango sa salitang Latin na ‘religare’ na ang kahulugan ay ‘itali’ o ‘ibigkis’. Ang relihiyon ay nagtatali sa iyo sa sistema ng kautusan at alituntunin na dapat perpektong masunod kung nais mong mapasalangit ngunit kung malabag mo ikaw ay susumpain sa impiyerno. Ipinahahayag ng Diyos sa Banal na Kasulatan na ang tao ay walang kakayahang iligtas ang sarili, ang kaligtasan ay 100% na gawa ng Diyos, mula sa simula hanggang katapusan at hindi ligtas ang maniwala sa katuruang iba kaysa dito. May gaganda pa kaya sa balitang ang Diyos na humihingi ng lubos na pagsunod, ay nagliligtas ng makasalanan ng hindi nakabatay sa kanilang depektong pagsisikap kundi sa perpektong kabanalan at kamatayan ng Panginoon Jesus-Cristo. Huwag naman akalain na ang pagsunod ay di na kailangan. Hindi itinuturo ng Biblia na hindi na kailangan ang pagsunod, na ang isang tao ay basta na lang maniwala kay Cristo at mamuhay ng kung ano ang ibig niya. Ang pagsunod ay napakahalaga sa buhay ng isang naligtas na, ngunit hindi ang pagsunod ang nakapagligtas sa kanya o nakapagpanatili sa kanyang kaligtasan.

 

 

Ang iyong nabasa ay sa maikling salita ay ang Ebanghelyo - Ang Mabuting Balita ng Diyos. Ang sumasampalataya lamang sa Ebanghelyong nagpapahayag na ang kaligtasan at ang pananatiling ligtas ng makasalanan ay nakabatay lamang sa ginawa ni Cristo (hinding-hindi sa gawa ng tao), ang makakapasok sa Kaharian ng Diyos ng walang dapat ikatakot. Ang hindi sumasampalataya sa Tunay na Ebanghelyo ay parurusahan-susumpain sila sa impiyerno ng magpasawalang-hanggan (Marcos 16:16), sapagkat sisingilin sila sa kanilang mga kasalanan.

 

"Hindi ko ikinahihiya ang Ebanghelyo pagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng sinumang sumasampalataya…inihahayag nito ang pagiging matuwid mula sa Diyos…" (Roma 1:16, 17).

 

bottom of page